Thursday, July 18, 2024

Kaibigan

 


Pagkakaibigan, isa sa pinakamagandang bagay na maaari nating matagpuan. Mga taong magdudulot sa atin ng kaligayahan at kapayapaan tuwing pakiramdam natin ay ang gulo na ng mundo. Ang sabi ng karamihan, masuwerte ka na kapag nakatagpo ka ng isa o dalawang tunay na kaibigan. Iyong mga taong mananatili sa tabi mo kahit gaano katagal na panahon pa ang lumipas. Sila ang mga taong pagkakatiwalaan mo at pagbabahagian ng mga bagay na ikaw lang dapat ang may alam.

Bawat isa sa atin ay mayroong matatawag na tunay na kaibigan. Iyong mga taong kahit pa anong pagsubok ang dumaan, hinding-hindi tayo iniwan. Sila 'yong mga sandalan natin sa tuwing pakiramdam natin wala tayong lakas para lumaban. Mga taong naghahatid ng ngiti sa ating mga labi sa mga panahon nauubusan na tayo ng rason para sumaya. Tila sila mga anghel na ipinadala ng langit upang gabayan tayo at tulungan sa tuwing tayo'y nangangailangan. Pero sila rin ang mga taong may kakahayang wasakin tayo at durugin ng pino.

Hindi ba't natural sa magkakaibigan ang maging palagay sa isa't-isa? Iyong tipong halos magkakarugtong na inyong mga bituka? Mga lambingang kusa na lamang nagagawa dahil komportable kayo sa isa't-isa. Pero maiiwasan bang makaramdam ang isa sa inyo ng kakaiba? Sino bang masasabing may kasalanan kung isa pala sa inyo ang nahulog na? Kasalanan ba ng malambing na kaibigan kung masyado siyang naging malapit at komportable? O kasalanan ng kaibigan na nahulog sa dahil sa mga bagay na kaniyang naramdaman?

Depende marahil sa sitwasyon. May mga taong hindi sigurado sa nararamdaman. Akala nila ikaw ang gusto nila hanggang sa maunawaan nilang hindi pala. Hindi man nila sinasadya, nagsimula ka nang mangarap na baka pwde naman pala. Mayroon ding ikaw naman talaga ang gusto kaso natatakot na baka may magbago. Masyado kang mahalaga para hayaan niyang mawala at masira ang pinagsamahan niyo. Pero mayroon ding mga taong nakatuon ang atensyon sa kung sino ang nandyan. Sila 'yong tatanggapin ang lahat ng pag-aalaga at atensyon na kaya mong ibigay, pero hanggang doon lang.

Ikaw? Matanong kita. Ilang beses mo na bang naranasang maging takbuhan at sandalan? Tuwing masasaktan siya, nandiyan ka para umalalay. Sa tuwing iiyak siya, walang pagdadalawang-isip mong ibibigay ang mga balikat mo. Panigurado dumating ka na rin sa puntong tahimik kang nananalangin na sana ikaw na lang kasi. Sana sa'yo naman siya tumingin.


Ilang beses ka nang nabigo sa pangarap mong 'yon pero nandiyan ka pa rin, handang maging sandalan at panyo niya sa tuwing dinudurog siya ng iba? Iyong tipong kahit ang sakit-sakit na, wala kang ibang pagpipilian kung hindi ngumiti lang sa tuwing nakatingin niya. Ang tanging pagkakataon lang para ilabas ang tunay mong nararamdaman ay kapag mag-isa ka. Kapag wala na siya, saka mo lang maaaring aminin na hirap na hirap ka na. Pero, hindi ba't mas doble ang hirap at sakit kapag iyong taong mahal mo at 'yong minamahal niya, parehong para sa'yo ay mahalaga? 

Nagsimula ang lahat ng magkakasama kayo sa bawat lungkot at saya. Sabay-sabay kayong bumuo ng pangarap at tumingala sa mga bituin sa kalangitan. Tapos isang araw mararamdaman mo na lang na sila na lang pala, hindi na pala kayo. May mga sariling pangarap na pala silang binubuo. Sila na lang pala ang magkasamang tumatanaw sa mga bituin habang ikaw, mapait na nakangiti sa malayo.


Ano bang dapat gawin kapag humantong ka na sa ganitong situwasyon? Dapat bang lumayo o pigilan ang puso mong gusto nang sumabog? Pareho mo silang mahal, pareho silang mahalaga, kaya ang tanging nagagawa mo na lang ay tahimik na masaktan at maging masaya para sa kanila. Kalabisan ba kung hihilingin mong sana balang araw maisip niyang dapat ikaw pala? Masasabi bang masama kang kaibigan kung mananalangin kang dumating ang araw kakatok na lang siya sa iyong pintuan at sasabihing ikaw pala ang mahal niya? Ang sakit-sakit na, pero nandiyan ka pa rin para sa kanilang dalawa kasi parehas silang mahalaga.

Hanggang saan ka tatagal? Hanggang kailan ka magtitiis kasi ayaw mo silang mawala? Ilang ulit ka pang iiyak ng mag-isa tapos ngingiti ulit kapag nandiyan na sila? Matatawag ka bang masamang kaibigan kung sasabihin mong hindi mo na pala kaya? Kaya nga lang, madalas, kahit gusto mo nang sumuko ay hindi mo magawa. Mayroon ka kasing pangakong binitiwan, hindi ba? Makakaya mo ba talaga panindigan na iyong pangako na: "walang magbabago"?


Dito sa bagong kantang inilabas ni Justin, iba't-ibang emosyon ang paniguradong nabuhay sa atin. Mga alaalang pinilit na nating kalimutan na bigla na lang bumalik. Isang patunay ng taglay niyang talento sa paggawa ng mga awitin, lalo na sa pagpaparamdam ng emosyong nais niyang ipahatid. Tunay nga na malayo na ang kaniyang narating at siguradong marami pa siyang mga awiting mailalabas sa mga darating pang panahon. Nakakataba ng puso na ang layo na ng narating mula sa mahiyaing binata na nagdududa sa sarili niya noon. Sabay-sabay nating subaybayan kung paano pa siya lalago bilang isang mang-aawit at alagad ng sining.

Sa ngayon, sama-sama nating pag-isipan kung tama pa bang manatili kahit tayo lang din naman ang nasasaktan. At kung kayanin man nating lumayo at magparaya, magagawa pa ba nating maging masaya? Lalo na kung hindi man lang nasagot ang mga katanungang matagal nating itinago?









No comments:

Post a Comment