HANGGANG SA HULI

 


Hanggang kailan mo kakayanin?

Sa buhay man o pag-ibig, iyan ang tanong na madalas nating naririnig. Hindi natin namamalayan na wala naman talagang pinagkaiba ang totoong buhay at buhay pag-ibig. Sa bawat pagliko mo ay may makakasalubong kang balakid. Tuwing ihahakbang mo ang iyong mga paa, palaging may takot sa puso mo na baka doon na magtapos ang lahat. Pero hindi ba't iyon ang nagpapaganda ng lahat? Ang katotohanang habang nabubuhay ka at nagmamahal, maraming mga bagay kang mararanasan at matututunan?

Ilang ulit na ba nating narinig mula sa isang kaibigan o kasintahan ang mga katagang: Hanggang Sa Huli? Natupad naman ba nila? Mga salitang napakadaling bitawan pero sobrang hirap panindigan. Habang masaya pa ang mga nanagyayari, habang madali pa ang mga bagay-bagay, bigla nalang nating masasabing: "Walang iwanan, ha? Hanggang dulo na 'to." Magkasamang bubuo ng mga pangarap at planong bandang huli ay maaabanduna kapag naging komplikado na ang lahat.

Sa awiting Hanggang Sa Huli, pinapatunayan na may mga pagkakataon sa buhay natin na kahit na gusto na nating bumitaw at makalimot, darating pa rin ang pagkakataon na kakatukin tayong muli ng mga alaalang matagal nating pinanghawakan at iningatan. May isang taong dadating sa buhay natin na sasakop sa ating puso at isipan na kahit ano pa mang pag-iwas ang gawin natin, kahit pilitin pa nating itago, hindi pa rin sila mawala-wala sa ating sistema. 

Itong awiting ito ay isang paalala na walang mali kahit pa sabihing masakit. Hindi natin kailangang magmadali na makalaya sa mga sugat na naging dulot ng pag-ibig. Mahalin mo lang hangga't mahal mo pa. Kahit alam mong sa dulo, ikaw lang din ang talo, ang importante, nagmahal ka. Masaktan ka man, madurog ka man ng pinong-pino, dadating naman ang panahon na muli kang ngingiti. Ibigay mo lang lahat ng kaya mong ibigay, basta magtira ka pa sa'yong sarili.

No comments:

Post a Comment