Monday, July 8, 2024

MAPA

Photo from MAPA on Wiki

Mapa, isang salita lamang ito kung tutuusin. Simple at madaling bigkasin, ngunit marami sa atin ang tila nakalimot na sa tunay nitong ibig sabihin. Sa simula, walang alam ang mga sinaunang tao na mayroon pa palang mga lupain sa dulo ng malawak na karagatan. Ang buong akala nila ay ang dulong natatanaw ng kanilang mga mata ang siyang katapusan. Sa paglipas ng panahon, unti-unting nabuo ng kyuryosidad sa kanilang mga isipan. Ano nga ba ang nasa dulo ng kanilang natatanaw? Iyon na nga ba dulo? Anong mayroon pagkatapos n'un?

Photo from weforum.org

Ang mga unang taong nagtakha at nag-isip, sila ang dahilan kung bakit mayroon tayong kaalaman sa iba pang panig ng mundo. Sila ang ating naging gabay sa mga lugar na nais nating patunguhan. Hindi man nila alam, nag-iwan sila ng pinakamahalagang regalong natanggap natin sa kasaysayan. Ito ang kaalamang hindi tayo nag-iisa. Habang nabubuo ang nakalipas, naging mas malalim ang kahulugan ng salitang mapa. Hindi na lamang ito isang pirasong papel na iginuhit ng mga manglalayag.

Sa buhay ng isang tao, marami tayong matatawag na mapa. Ang mga taong naghatid sa atin ng hirap at pagsubok ay ang mga matatarik na bundok na kailangan nating akyatin. Silang mga nanakit at dumurog sa ating puso ang karagatang kailangan nating languyin kahit pa minsan akala natin ay malulunod na tayo sa lahat ng sakit na dulot nila sa atin. Ang tuwid at balikong daanan ay ang mga taong umakay sa atin sa mali at tamang landas. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mga taong nagturo sa atin kung paano tayo makakarating sa nais nating puntahan. Sinong mag-aakala na ang napakahalagang aral na ito ay magagawang isalin sa isang magandang awitin? Tunay nga na ang musika ay lengguwaher, dialektong nagpapabatid ng nararamdaman, at nagdudugtong sa ating lahat, kahit pa nasaang panig tayo ng mundo.


Nang biglang tumigil ang mundo dahil sa COVID-19, siguradong marami sa atin ang napagtantong may mga bagay at taong na ipinagwawalang-bahala natin dahil ang akala natin ay palagi lamang silang nariyan. Itinuno ng panahong iyon sa ating kasaysayan ang kahalagahan ng bawat taong bahagi ng ating buhay. Maging ang mga bagay na sa tingin natin simple lamang ay mayroon din palang halaga. Isa ito sa mga bagay na napagtanto ng isang Pablo Nase.

Ang ating mga magulang ang ating mapa, ang ating gabay upang hindi tayo maligaw ng landas. Sila ang ating paa na aakayin tayo sa tamang landas at magbibigay sa atin ng lakas na bumangon at magpatuloy sa ating paglalakbay. Sila rin ang ating mga mata upang hindi tayo maligaw sa kadilimang dulot ng buhay. Pero hindi lamang mga nanay at tatay ang ating mapa. Silang mga palaging nariyan upang tayo'y pangaralan at paalalahanan. May mga taong handang dumamay sa atin nang walang hinihintay na kapalit.

Ang mga taong ito, kagaya ng ating mga magulang, ay hindi kailanman mapapantayan ng kahit ano pang halaga. Ang ate at kuya na nagtaguyod sa atin mula pagkabata. Isinakripisyo ang kanilang sariling kaligayahan, minsan pa nga ay kalusugan, para sa atin. Ang mga lolo at lola na kumalinga sa atin at nagmahal ng walang kapantay dahil alam nilang sila lang ang mayroon tayo. Sila tiyo at tiya na kumumkop sa atin ng walang pagdadalawang-isip o kahit pa iyong mga tumanggap sa atin at sinamahan tayo sa pinakamadilim na bahagi ng ating buhay.


Ang awiting MAPA ay isang paalala na kailanman, ang pagmamahal at mga aral na ating natutunan mula sa taong naging malaking bahagi ng ating buhay ay hindi kailanman mawawala. Dadalhin natin ito hanggang ating pagtanda, hanggang sa panahong tayo naman ang maging mapa para sa iba. Isa itong prosesong hindi kailanman magtatapos. Isang siklong magpapaulit-ulit hangang sa wakas ng panahon. Kaya naman pakatandaan natin ang bawat aral na ating natutunan. Alalahanin nating ang mga kaalamang ipinasa sa atin at lagi itong pakaingatan.

Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang hindi natin pagkalimot sa kanila na nagsilbing mapa ng ating buhay. Huwag natin silang tatalikuran o kalilimutan kailanman. Alagaan at mahalin natin sila kagaya ng pag-aalaga at pagmamahal nila sa atin. Tandaan nating sila ang nagsilbing ilaw natin habang gumagabay tayo sa ating paglalakbay sa landas ng buhay. Kagaya ng isang tunay na paglalakbay, makarating man tayo sa nais nating patunguhan, babalik pa rin tayo sa ating pinagmulan.

Maligayang Isang Daang Milyon, MAPA!








 





 

1 comment:

  1. Love reading your articles, all of it! Galing mo talaga kaps!

    ReplyDelete